DG


Masyadong malaki ang mundo. Minsan.

Masyadong maliit ang mundo. Minsan.

MINSAN, nalilito na ako kung anong totoo. Masyado nga bang malaki ang mundo at punong puno ng espasyo? O masyado nang napakaraming tao nakapaligid sa’yo kaya hindi mo na rin makita ang espasyong tinutukoy ko? O baka naman, nakalikha ka na ng ibang mundo kaya wala nang espasyo para sa ibang tao?

Ang hirap huminga, naninikip ang dibdib ko. Patuloy kong hinahanap ang hangin. Patuloy akong kumakapit sa hindi ko maaninag. Patuloy akong tumatakbo. At lalong naninikip ang dibdib ko.

Gusto ko ng espasyo.

Binuksan ko ang unang pinto, punong puno. Nakita ko ang pangalawa, wala ng lugar. May ikatlo, ika-apat, ika-lima hanggang ika-sampu, pero bigo akong makahanap ng espasyo. Wala nang lugar para sa’kin. Wala nang lugar para humimlay. Napakaraming lugar. Napakalaki nito. Pero bakit ka napupuno?

Gusto kitang masumpungan ngayon. Gusto ko ng katahimikan. Gusto ko ng kapayapaan. Kailangan kita ngayon..

ESPASYO.